Pinangunahan ng Isabela State University (ISU) Sentro ng Wika at Kultura (SWK), katuwang ang ISU Cauayan College of Education, Lokal na Pamahalaan ng Echague, at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang pagbubukas ng Seminar at Palihan na naglalayong isulong ang pangangalaga, paggamit, at pagpapayabong ng wikang Yogad sa pamamagitan ng edukasyon, pagsasalin, at makabagong teknolohiya, Hulyo 27.

Bilang katuwang ng SWK sa pagsasagawa ng programa, ipinamalas ng ISU Cauayan College of Education ang patuloy nitong suporta sa mga inisyatibang nagtataguyod ng mga katutubong wika at kultura. Ang pakikipagtulungang ito ay bahagi ng layunin ng kolehiyo na palawakin ang mga gawaing akademiko at pangkomunidad na nakatuon sa pagpapanatili ng yamang pangwika ng bansa.

Dumalo sa pambungad na programa ang mga kinatawan mula sa pamahalaang lokal, akademya, at KWF. Nagbigay ng mga mensahe sina Kgg. Nenita Agustin, Chairperson ng Committee on Education ng Sangguniang Bayan ng Echague at Kgg. Roher Ballad, Indigenous Peoples Mandatory Representative. Nagpahayag din ng suporta si ISU President Prof. Boyet L. Batang, PhD, habang binigyang-diin ni KWF Chairperson Atty. Marites Barrios-Taran ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga institusyon sa pagpapalakas ng mga katutubong wika.

Inilahad naman ni Dr. Mark-Jhon R. Prestoza, Direktor ng ISU Sentro ng Wika at Kultura, ang layunin ng seminar at palihan na magbigay ng kaalaman at kasanayan sa pagsasalin at paggamit ng mga katutubong wika sa iba’t ibang larangan, lalo na sa pampublikong komunikasyon at edukasyon.

Tampok sa unang araw ang panayam ni Jomar I. Caรฑega, Chief Language Researcher ng KWF, na tumalakay sa pagsasalin ng mga gabay-pook at panandang pampubliko sa Filipino at Yogad. Sinundan ito ng panayam ni Wilbert M. Lamarca, Linguistics Specialist ng KWF, tungkol sa “Wika, Salin, at Artipisyal na Intelihensiya (AI),” kung saan tinalakay ang mga posibilidad ng paggamit ng AI sa pagsasalin at paglinang ng mga wikang katutubo.

Nagtapos ang unang araw sa isang bukas na talakayan na nagbigay-daan sa pagpapalitan ng mga ideya at karanasan ng mga kalahok hinggil sa mas epektibong pagsusulong ng wikang Yogad.

Sa pamamagitan ng kolaborasyong ito, pinagtitibay ng ISU Sentro ng Wika at Kultura at ng ISU Cauayan College of Education ang kanilang iisang layunin na palakasin ang mga programang nagtataguyod sa mga katutubong wika bilang mahalagang bahagi ng kultura, edukasyon, at pambansang pagkakakilanlan.

#OneTeamBamboo | #BrightISU | #OneISU | #ISUlong | #ISUEducation | #TatakISU | #ISUAcademicExcellence | #ISUResearchExcellence | #ISUQualityAndRelevance | #ISU4Innovation

Get to know more about Isabela State Universityโ€“Cauayan Campus by visiting our official website: https://isucauayan.edu.ph