Inilunsad ng Supreme Student Council (SSC) ng Isabela State University (ISU) Cauayan City Campus ang Danggayan ti Cauayan: Nourish to Flourish Program, isang lingguhang feeding initiative na naglalayong maghatid ng masustansiyang pagkain sa mga mag-aaral bilang bahagi ng pagsusulong ng kapakanan ng pamayanang pang-akademiko at ng Sustainable Development Goals (SDGs).
Mahigit 500 benepisyaryo ang nabigyan ng libreng pagkain sa paglulunsad ng programa noong Hulyo 20, 2026. Noong Agosto 3, 2026, muling nagsagawa ng feeding activity ang SSC, kung saan mahigit 100 benepisyaryo ang pinagkalooban ng mainit na sopas.
Isinasagawa ang Danggayan ti Cauayan: Nourish to Flourish Program tuwing Lunes upang magbigay ng agarang suporta sa nutrisyon ng mga mag-aaral at iba pang kasapi ng pamantasan. Ang programa ay pinopondohan sa pamamagitan ng Student Development Fund (SDF), na inilaan para sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kapakanan at pag-unlad ng mga estudyante.
Ayon sa SSC, layunin ng programa na mapalakas ang diwa ng danggayan o bayanihan sa loob ng komunidad ng unibersidad sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral. Kaakibat din nito ang pagsuporta sa Sustainable Development Goals, partikular ang Zero Hunger (SDG 2) at Good Health and Well-being (SDG 3).
Sa pamamagitan ng Danggayan ti Cauayan: Nourish to Flourish Program, patuloy na isinusulong ng SSC ng ISU Cauayan ang mga proyektong nagbibigay ng konkretong serbisyo sa mga mag-aaral at nagpapatibay sa kultura ng malasakit, bayanihan, at responsableng pamumuno sa loob ng pamantasan.
—
#OneTeamBamboo | #BrightISU | #OneISU | #ISUlong | #ISUEducation | #TatakISU | #ISUAcademicExcellence | #ISUResearchExcellence | #ISUQualityAndRelevance | #ISU4Innovation
Alamin pa ang higit pang impormasyon tungkol sa Isabela State UniversityโCauayan Campus sa pamamagitan ng pagbisita sa aming opisyal na website: https://isucauayan.edu.ph

